Narito akong muli at kinakausap ka. Pasensya sa aking sasabihin, pero alam mo bang naisip kong burahin ka nang tuluyan? Isang click lang eh burado na ang ating pinagsamahan? Akala ko kasi ay nagbago na ang aking kabuuan. Isang salita lamang na dumurog sa aking puso eh pumayag na kong gumuho ang bawat salitang ipinundar ko nang maraming panahon. Buti na lamang napagtanto kong di patas ang ganon. Ikaw na naging saksi sa bawat pagkalito ng aking pagkatao. Sa bawat luha at tuwa. Sa bawat sikretong ikinakahon natin dito sa ating munting mundo. Akalain mo, ganon kalupit ang epekto.
Siya nga pala, hindi ko naikunsulta sa yo ang pagdating ni ano...alam mo na kung sino. Huwag kang mag alala. Malaki ang tiwala ko sa kanya. Maikwento ko nga pala, siya ang bumuhay muli sa aking sarili. Siya ang nagpaalala kung sino at bakit ako ay ako. Alam kong nakaabang ka din sa kung ano ang kahihinatnan nitong pinasok kong alam din naman natin kung saan patungo. Nakakabilib kung paano nagiging kapanapanabik ang bawat araw na tinutuldukan ng katotohanan na pilit kong isinasantabi.
Matigas ang ulo ko, oo. Kaya ka nga nabuo. Kahit anupaman, kuntento ako. Sa kanya ako humuhugot ng pag-asa. Ngunit kasabay nito ay ang takot na hindi makabangon kung sakaling madapa. Masakit aminin pero nababalewala na naman kita. Nagastos ko na ang inipon nating lakas. Hindi ako naglaho. Naligaw lang sa kabilang dako. Maaari bang samahan mo akong muli. Sa paghihintay. Sa pangangarap. Sa pagbabalik ng aking ngiti?
Oy teka, kung sakaling mabura ka, alam mo na kung sino ang may sala. Dahil kailanman ay di ko magagawang limutin ka.
Posted at 2.4.08 by
summer_sky